Tiniyak ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na agarang maihahatid ang mga relief goods ng C130 plane ng Philippine Air Force (PAF) patungong Tuguegarao City kahit nagtamo ng pinsala ang Tuguegarao City airport.
Ayon kay Lorenzana na siya ring chairman ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, ang nasira sa Tuguegarao airport ay ang passenger terminal at hindi naman ang runway kaya makakalapag pa rin ang mga aircraft na maghahatid ng mga relief goods.
Giit ng kalihim sa sandaling hindi na makakaranas ng malakas na hangin, agad na lilipad ang C130 aircraft.
Sa ngayon, dalawang C130 Hercules plane ang naka-standby na para maghatid ng tulong medikal at relief goods sa mga lugar hinagupit ng Bagyong Ompong kapag bumuti na ang panahon.
Bukod sa dalawang C130 aircraft, naka-standby din ang 10 choppers para tumulong sa relief and rescue efforts.
Ang mga nasabing aircraft ng PAF ay kasalukuyang naka-nstandby sa Villamor Air Base sa Pasay City.