Inihayag ni Defense Secretary Gilbert Teodoro nais nitong malaman muna kung ano ang pinag-usapan nina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese President Xi Jingping para masuri kung mayroon bang dapat na ikabahala.
Ang pahayag ng Defense chief ay kasunod ng pagpupulong nina Duterte at Xi sa state guesthouse sa Bejing, China noong Lunes sa gitna ng mga aktibidad ng Chinese vessels sa West Philippine Sea.
Dagdag pa ng kalihim na inaasahan na ang interes ng Pilipinas ang siyang isinaalang-alang ng dating Pangulo sa kaniyang pakikipagkita sa Pangulo ng China.
Una ng sinabi ni Xi kay Duterte na umaasa itong ipagpapatuloy ng dating Pangulo ang mahalagang papel nito sa magandang kooperasyon sa pagitan ng China at Pilipinas.
Sinabi din ni Xi na noong nanunungkulan pa bilang Pangulo ng Pilipinas si Duterte, determinado itong gumawa ng isang stratehikong desisyon para mapaganda ang relasyon sa pagitan nito sa China taglay ang ugaling responsable sa mamamayan at sa kasaysayan.
Sa panig naman ng kasalukuyang Marcos administration, una ng sinabi ni PBBM na batid nito ang pagpunta ni Duterte sa China at malugod na tinanggap ang anumang bagong linya ng komunikasyon sa gitna ng mga isyu sa pinagtatalunang karagatan kabilang ang West Philippine Sea.
Sinabi din ni Pang. Marcos na nakatitiyak itong ibabahagi ni Duterte sa gobyerno ng Pilipinas ang mga detalye ng kaniyang pakikipag-usap kay Chinese Pres. Xi Jinping at kung paano ito makakaapekto sa ating bansa.