Nilinaw ni Defense Secretary Gilbert Teodoro na wala pang pag-uusap sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at Amerika kaugnay sa karagdagang military sites para sa mga sundalong Amerikano sa bansa sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).
Paliwanag ng kalihim na kailangang pag-usapan muna ito bago palawigin ang military sites. Marami na rin aniyang conglomerates ang nabigo dahil sa pagmamadali sa expansion nang hindi ikinokonsidera ang kakayahang ma-sustain ito.
Nang tanungin naman ang Defense chief kung ano ang posibleng ideploy na mga assets sa EDCA sites, sinabi nito na dapat sumunod ang gobyerno ng US sa batas ng Pilipinas na malinaw na nakasaad sa kasunduan sa EDCA.
Matatandaan na noong Abril ng kasalukuyang taon, pinayagan ng gobyerno ng Pilipinas ang pagdaragdag pa ng apat na bagong EDCA sites sa bansa maliban pa sa nauna ng limang military sites.
Nanindigan din ang mga opisyal ng pamahalaan na ang EDCA sites sa bansa ay layuning palakasin pa ang kapasidad ng mga sundalong Pilipino at mapag-ibayo pa ang response efforts sa mga sakuna at natural calamities.