Nagsalita na si Defense Secretary Gilberto Teodoro kaugnay sa inihayag ng Chinese Embassy sa Pilipinas na mayruong napagkasunduang “new model” sa pagitan ng AFP Western Command at ng Beijing hinggil sa pagtugon sa isyu sa Ayungin Shoal na bahagi ng teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Sa isang pahayag, sinabi ni Secretary Teodoro, nais nitong linawin na ang anumang insinuasyon na ang defense department ay partido sa anumang kasunduan o ang tinatawag na “new model” batay sa inihayag ng China.
Sinabi ng Kalihim ito ay isang mapanlinlang na pakana ng China sa pamamagitan ng kanilang Embahada sa Maynila.
Ipinagtataka naman ni Teodoro na ginawa ito pagkatapos ng kanilang mga aksyon sa kamakailang ginanap na pagpupulong ng SQUAD sa Honolulu, Hawaii.
” I would like to clearly state that any insinuation that the Department of National Defense is a party to any “new model” is a devious machination of China through their Embassy in Manila, and it is curious that it comes right after their actions were condemned in the recent SQUAD meeting in Honolulu, Hawaii. I reiterate that I have disallowed any contact between the DND and the Chinese Embassy since the courtesy call of Ambassador Huang Xilian, a few days after I assumed office in July of last year. During the said courtesy call, there was no discussion or briefing on any “gentleman’s agreement” or “new model”, which is contrary to the Chinese Embassy’s pronouncements,” pahayag ni Sec. Teodoro.
Binigyang-diin ni Teodoro na hindi nito pinahintulutan ang anumang pakikipag-ugnayan sa pagitan ng DND at ng Chinese Embassy mula noong nag courtesy call si Ambassador Huang Xilian, ilang araw pagkatapos nitong maupo sa pwesto.
Sa nasabing courtesy call walang napag-usapan na “gentleman’s agreement” at maging ang “new model” taliwas sa mga pahayag ng Chinese Embassy.
Inihayag ni Teodoro ang mga ganitong “charade” ay dapat ng itigil.
Paliwanag ni Secretary Teodoro ang kaniyang pahayag hinggil sa alegasyon ng Chinese Embassy sa Pilipinas ay upang makabuo ng kamalayan sa malinaw na pagtatangka ng China na isulong ang isa pang kasinungalingan upang hatiin ang sambayanang Pilipino lalo na sa kanilang labag sa batas na presensya at pagkilos sa ating Exclusive Economic Zone (EEZ).
Pinayuhan din ni Teodoro ang publiko, ang media at ang international community na mag-ingat sa mga pamamaraan ng pagmamanipula, panghihimasok, at masamang impluwensya ng China sa pagpapasulong ng sarili nitong mga interes.
” I am issuing this statement to generate awareness on this clear attempt by China to advance another falsehood in order to divide our people and distract us from their unlawful presence and actions in our EEZ.
We advise our citizens, the media, and the international community to beware of China’s methods of manipulation, interference, and malign influence in furthering its own interests,” dagdag pa ni Teodoro.