Tiniyak ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., na hindi niya palalagpasin kung sino ang nasa likod ng drama na inaakusahan ang militar na nandukot sa dalawang environmentalist.
Sa panayam kay Teodoro sa dito Kamara matapos ang budget deliberations para sa panukalang pondo ng defense department para sa fiscal year 2024, tahasan nitong sinabi na magsasampa sila ng kasong perjury laban sa dalawang batang environmentalist na sina Jhed Tamano at Jonila Castro.
Sa ngayon hinahanda na ng militar ang kaso para isampa sa dalawang environmentalist.
Inihayag ni Teodoro na ang ulat na ipinarating sa kaniya ay boluntaryong sumuko ang dalawa sa mga sundalo.
Subalit nabigla na lamang ang militar na bumaliktad ang mga ito at iniba na ang kanilang pahayag na sila ay dinukot ng mga sundalo.
Ayon sa kalihim, may mga testigo na magpapatunay na hindi dinukot ang dalawang environmentalist at haawak ng militar ang mga sworn affidavit ng dalawa.
Naniniwala naman si Teodoro na mayruong indibidwal o grupo ang nasa likod nito kaya nais nila itong paimbestigahan.
Sinisiguro ni Teodoro na mananagot ang sinuman na pasimuno dito nang sa gayon hindi na maulit pa ang kahalintulad na insidente.
Nais din mabatid ng Kalihim kung sino ang promotor o utak ng nasabing insidente.
Aniya, hindi katanggap-tanggap na linlangin ang publiko sa pamamagitan ng pagbibigay ng maling impormasyon.
Ipinunto ni Teodoro na hindi niya kailanman i-tolerate ang maling gawain ng mga sundalo subalit ang nasabing kaso ay may malakas na ebidensiya at hindi patas ang paratang na ipinupukol sa mga sundalo.