Tuloy pa sa ngayon ang pagbili ng Pilipinas ng mga Russian Mi17 helicopter sa kabila ng economic sanctions na ipinatupad ng Estados Unidos at Europa laban sa Russia dahil sa ginawa nitong paglusob sa Ukraine.
Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, ang kontrata sa heavy lift helicopter procurement project ng DND ay nilagdaan noong Nobyembre, at nakapagbayad na ng downpayment ang Pilipinas nitong Enero.
Sinabi ng kalihim na ang P12.7 bilyon kontrata ay isasakatuparan sa loob ng ilang taon, kung saan ang delivery ng unang batch ng 17 units ng Mi17 helicopter ay inaasahan sa loob ng 24 na buwan.
“The contract was signed last November and down payment was made last January. No, we don not see any likelihood of being scrapped as of this moment,” mensahe pa ni Sec. Lorenzana sa Defense Press Corps.
Panahon lang aniya ang makakapagsabi kung ang naturang kontrata ay maapektohan ng giyera sa Ukraine.
Tiwala naman ang kalihim na ang pagbili ng Pilipinas ng Russian military equipment ay hindi nasasaklaw ng sanctions ng US, dahil nakapagbigay ng paunang bayad ang Pilipinas bago pa mangyari ang giyera sa Ukraine.
Umaasa naman si Lorenzana na mareresolba na ang crisis sa pagitan ng Russia at Ukraine.
“We hope the Ukraine crisis is resolved soon,” dagdag pa ni Sec. Lorenzana.
Samantala, kahapon dumating sa bansa ang dalawa sa anim na bago at modernong T-129 ATAK helicopters na binili ng PAF sa bansang Turkey.
Ang nasabing platform ay lalong magpapalakas sa surface strikes capabilities ng hukbo.
Nasa mahigit P13.7 billion ang halaga ng mga mga nasabing helicopters kasama na dito ang logistical support at training ng mga piloto.