Walang umanong dapat ikatakot at ipangamba ang publiko hinggil sa iminimungkahi na Anti-Terrorism Act.
Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, walang basehan ang mga lumalabas na kritisismo hinggil dito.
Sinabi ng kalihim, may mga inilatag silang proposed measures at may sanctions para doon sa mga law enforcers na mang-aabuso ng kanilang otoridad at kapangyarihan.
Dagdag pa nito, may sapat na provisions na nakasaad sa panukalang batas hinggil sa karapatang pantao na nakapaloob sa anti-terror bill.
Una nang inihayag ng kalihim na ang HSA of 2007 ay maituturing na walang ngipin at hindi nakakatulong, hindi raw “responsive” sa banta ng seguridad na kinakaharap ng isang bansa.
Samantala, hinimok naman ni Interior Secretary Eduardo Año, dating pinuno ng sandatahang lakas ng Pilipinas, na suportahan ang nasabing bill dahil “very timely ito.”
Ayon kay Año, talagang banta sa seguridad ang mga terorista hindi lamang sa bansa kundi maging sa buong mundo.
Maging si Pangulong Rodrigo Duterte ay sinertipikahan na rin itong urgent bill para mapabilis ang pagpasa ng Kongreso.