Nilagdaan nitong Miyerkules ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. at ng kanyang Singaporean counterpart na si Ng Eng Hen ang isang defense cooperation agreement na naglalayong pagandahin pa ang relasyon ng dalawang bansa.
Kinumpirma ng Singaporean defense ministry ang paglagda sa memorandum of understanding (MOU) tungkol sa defense cooperation sa Singapore.
Wala pang pahayag ang Department of National Defense (DND) ng Pilipinas tungkol sa paglagda ng naturang kasunduan.
Ayon sa Singaporean defense ministry, ang MOU ay nagsisilbing isang balangkas upang gabayan ang mga umiiral na pakikipag-ugnayan at itaguyod ang kooperasyon sa mga lugar na may interes sa isa’t isa tulad ng edukasyong militar at anti-terorismo, upang pasiglahin ang mas malapit na ugnayan ng mga tao sa mga tao.
Ang paglagda ng kasunduan ay kasabay ng ika-55 anibersaryo ng pagkakatatag ng diplomatikong relasyon sa pagitan ng dalawang bansa.
Sa kanilang pagpupulong, “muling pinagtibay nina Teodoro at Ng ang mainit at mapagkaibigang bilateral na ugnayan sa pagtatanggol sa pagitan ng Singapore at Pilipinas.”
Ipinahayag din nila ang kanilang pangako na ipagpatuloy ang pakikipagtulungan sa ASEAN Defense Ministers’ Meeting (ADMM) at ADMM-Plus fora.