Nakatakdang lumagda sa mas pinalawig na defense cooperation agreement ang Pilipinas at Germany sa buwan ng Oktubre.
Ito ang tiniyak nina Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. at German Defense Minister Boris Pistorius sa kanilang pagkikita nitong Linggo.
Dito, nangako ang 2 opisyal na titindig para sa international rules-based order sa Indo-Pacific region sa gitna ng tensiyon sa pagitan ng PH at China sa West Philippine Sea.
Iginiit ng German defense minister na lahat ng bansa ay dapat na matamasa ang kalayaan sa paglalayag anuman ang kanilang economic strength o geographic size subalit nilinaw din nito na hindi naka-direkta sa alinmang bansa ang kanilang engagement sa rehiyon.
Nangako naman ang 2 defense official ng pagkakaroon ng pangmatagalang relasyon sa pagitan ng kanilang Armed Forces para mapalawig pa ang training at bilateral exchanges, pag-explore sa opportunities para mapalawig pa ang bilateral armaments cooperation ng 2 bansa.
Samantala, sinabi naman ni DND chief Teodoro na maaga pa para sabihin kung magreresulta sa Visiting Forces Agreement ang naturang kasunduan sa hinaharap. Bagamat ikinokonsidera ng PH ang Germany na posibleng maging supplier para sa defense capabilities nito.
Sinabi din ni Sec. Teodoro na inimbitahan din ng PH ang Germany na magsagawa ng maritime cooperative activity kasama ang Naval ships ng Berlin na bibisita sa bansa sa mga susunod na buwan.
Ang pagbisita ng German Defense Minister sa PH ay ang kauna-unahang pagkakataon kasabay ng pag-marka ng ika-70 taong diplomatic relations ng PH at Germany. Ang Germany nga ang isa sa pinakamatandang formal defense partners ng PH sa pamamagitan ng 1974 Administrative Agreement on Training ng AFP personnel sa Germany.