Muling pinagtibay ng Pilipinas at Malaysia ang kanilang commitment hinggil sa implementasyon ng 1994 Memorandum of Understanding (MOU) sa defense cooperation sa pagitan ng dalawang bansa.
Ito ay matapos magpulong sina Defense Secretary Delfin Lorenzana at Malaysian Defense Minister Dato’ Seri Hishammuddin Tun Hussein sa pamamagitan ng video teleconference.
Sa nasabing pulong, nagpalitan ng kuro-kuro ang dalawang defense officials kaugnay sa nangyayari sa rehiyon kabilang na ang ASEAN centrality, bagong partnership at nuclear proliferation issue.
Tinalakay din nina Lorenzana at Hishammuddin ang posibleng spill-over ng nangyari sa Afghanistan at ang paglaban sa COVID-19.
Umaasa sina Lorenzana at Hishammuddin na magpapatuloy ang magandang kooperasyon ng Pilipinas at Malaysia at ang trilateral cooperation sa Indonesia.
Ayon naman kay DND Spokesperson Arsensio Andolong, noong March 31, 2021, nagpulong ang Pilipinas at Malaysia sa isang Combined Committee on Defense Cooperation (CDCC) meeting.
“Both ministers expressed optimism that defense relations between the Philippines and Malaysia, and the trilateral cooperation with Indonesia will continue to develop in the years ahead,” pahayag pa ni Andolong.