-- Advertisements --

Nanawagan si House Assistant Majority Leader at Zambales Rep. Jay Khonghun kay Defense Secretary Gilberto Teodoro na lalo pang palakasin ang seguridad sa mahahalagang pasilidad ng gobyerno, kampo militar, at embahada sa buong bansa.

Ito’y kasunod ng mga ulat na naaresto ang mga hinihinalang Chinese spies na tumitiktik sa mga ahensya ng gobyerno sa bansa.

Ipinunto ni Khonghun, chairman ng House Special Committee on Bases Conversion, ang kagyat na pangangailangang hadlangan ang pang-eespiya ng mga dayuhan na banta sa pambansang seguridad.

Nababahala si Khonghun na maaaring nakapailalim na ang dayuhang paniniktik sa mga national security infrastructures ng bansa.

Ayon kay Khonghun, mahalagang mabunyag ang mga dayuhang sangkot, ngunit kailangang suriin at patatagin din ang mga internal security protocols.

Ibinunyag ng mga awtoridad ang grupo ay umano’y nagsasagawa ng surveillance sa mga sensitibong lokasyon sa Metro Manila, kabilang ang Malacañang, headquarters ng Armed Forces of the Philippines (AFP), at Philippine National Police (PNP).

Nadiskubre ng NBI na ang grupo ay gumagamit ng mga sasakyang may kasamang International Mobile Subscriber Identity (IMSI) catchers, mga aparatong kayang sumagap at makialam sa mobile communications.

Nauna nang binigyang-diin ni Teodoro ang mga isyung ito at hinimok ang mga foreign entity na igalang ang soberanya ng Pilipinas.

Hindi lang ang Pilipinas ang humaharap sa banta ng dayuhang paniniktik.

Ayon sa ulat ng CrowdStrike, tumaas ng 150 porsyento ang cyber espionage na iniuugnay sa China, na ang pangunahing target ang mga industriya ng finance, media, at engineering.

Kinilala ng US ang dayuhang paniniktik bilang isang malaking banta, at nagbabala ang FBI laban sa sistematikong pagnanakaw ng state at corporate secrets.

Nanawagan si Khonghun ng agarang pagsusuri sa seguridad upang matugunan ang kahinaan sa intelligence framework ng Pilipinas.

Ipinahayag din niya ang pag-aalala sa maaaring pakikialam ng dayuhan sa electoral process ng bansa.

Nanawagan si Khonghun sa Commission on Elections (Comelec) at Department of Information and Communications Technology (DICT) na bumuo at magpatupad ng epektibong mga mekanismo upang matukoy at mapigilan ang panghihimasok ng mga dayuhan.

Hinikayat din ni Khonghun ang publiko na maging mapagmatyag at iulat ang anumang kahina-hinalang gawain ng mga dayuhan na maaaring sumabotahe sa bansa.

Binigyang-diin ni Khonghun na ang pagpapabaya sa patuloy na operasyon ng pang-eespiya ng mga dayuhan ay mapanganib.