Itinanggi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang mga ispekulasyon na may plano ang Pilipinas na i-militarize ang Pagasa island ngayong unti-unti ng nai-develope ang isla na isa sa mga tinaguriang disputed islands.
Ang pahayag ni Lorenzana ay kasunod nang pangamba ng China na posibleng palakasin pa ng Pilipinas ang pwersa nito sa isla.
“We will not militarize this, I call it militarization if we bring in other weapons that are heavy like cannons, missiles, everything. We will not do that here,” pahayag ni Lorenzana.
Bukod sa mga residente kasi, may mga sundalo din mula Phil Navy, Phil Marines at Phil Air Force ang naka-deploy sa Pagasa island.
Kahapon isinagawa ang inagurasyon sa beaching ramp sa isla na dinaluhan ng matataas na opisyal ng AFP at ng kalihim.
“Meron tayong mga troops dito pero they are not, they are only armed with small arms. For protection lang siguro yan ng ano, alam niyo naman mga sundalo kailangan may baril, but hindi tayo mag pi-field ng mga heavy weapons,” dagdag pa ni Lorenzana.
Ilang taon din ang ginugol ng pamahalaan para matapos ang nasa 200 meters beaching ramp.
Ang construction ng ilang facilities sa Pagasa island ay isang big project na bahagi ng modernization program ng AFP.
Nasa P1.8 billion ang inilaan ng gobyerno noong 2017 para sa repair ng airstrip ng isla kasama na ang beaching ramp at iba pang facilities.
Sa panayam kay Lorenzana, sinabi nito nang magsimula ang construction sa beaching ramp sa isla ay wala namang natatanggap na resistance ang mga tropa mula sa China.
Dahil sa pagiging agresibo ng China sa West Philippine Sea, aminado ang kalihim na may tension pa rin sa spratly island.
Pero layon ng pamahalaan na i-develop ang isla dahil bahagi ng teritoryo ng Pilipinas.
Pagdating naman ng grupo ng kalihim sa isla tumambad sa kanilang mga cellphone ang mensahe na “welcome to China at welcome to Vietnam.”
Ang BRP Ivatan ang Philippine Navy ang siyang nag-dock sa bagong beach ramp sa isla.
Ang nasabing barko ay isang landing ship transport na maaaring magkarga ng mga heavy equipment at supplies.
” This is a disputed area and I believe our government through the leadership of Pres. Duterte is managing the issue between issue and the Philippines. The purpose of this is just to develop this area into a viable community,” giit ni Lorenzana.