Suportado ng Department of National Defense (DND) ang naging desisyon ng Pangulong Rodrigo Duterte na palawigin pa ng anim na buwan ang Visiting Forces Agreement (VFA) sa Amerika.
Pabor din daw ito sa DND na gagamitin nila ang susunod na anim na buwan para sa masusing pagrepaso sa VFA sa pagitan ng Pilipinas at Amerika.
Ayon kay Defense Sec. Delfin Lorenzana, nakaangkla ang bilateral cooperation ng Pilipinas at Amerika sa paninindigan para sa pambansang interes hanggang sa pagpapatibay sa defense capability ng bansa.
Dahil dito, sinabi ni Lorenzana na gagawin nila kung ano ang dapat nilang gawin para maplantsa ang mga gusot na makatutulong sa pagpapasya ng pangulo hinggil sa magiging kapalaran ng kasunduan sa hinaharap.
Una nang sinabi ng kalihim na patuloy ang kanilang pakikipag-usap sa kanilang mga counterpart sa Amerika para pag-usapan ang VFA.