Dinistansyahan ni Department of National Defense Sec. Gilberto Teodoro Jr. ang mga usapin na may kaugnayan sa pagpapatupad ng Mutual Defense Treaty sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.
Kasunod pa rin ito ng pinakahuling insidente ng pangbobomba ng water cannon ng mga barko ng China Coast Guard sa mga barko ng Pilipinas sa Panatag Shoal sa bahagi ng West Philippine Sea.
Sa isang pahayag ay tumanggi si Sec. Teodoro na mag-speculate hinggil sa mga kondisyon kung kailan dapat na maipatupad ang Mutual Defense Treaty sa pagitan ng dalawang bansa sapagkat ito aniya ay isang political decision ng pamahalaan ng ating bansa.
Punto ng kalihim, ang trabaho nila sa Defense Department ay nakasentro sa pagtiyak ng capability building, deterrence, at pagprotekta sa bansa.
Kaugnay nito ay binigyang-diin din ni Sec. Teodoro na hindi dapat gamitin ang Mutual Defense Treaty bilang panakot sa alinmang bansa.
Samantala, sa kabilang banda naman ay sinabi ni United States Secretary of Defense Lloyd Austin na hindi subject ng mga hypothetical scenarios ang naturang Treaty ng Pilipinas at Estados Unidos, at ang anumang pinsala aniya sa mga barko at tropa ng Pilipinas ay maituturing na irresponsible behavior.
Kasabay nito ay muli niyang binigyang-diin ang commitment ng Estados Unidos sa Mutual Defense Treaty nito sa Pilipinas gayundin din ang kanilang suporta sa ating bansa.