Nakipagpulong sa telepono si Department of National Secretary Gilberto Teodoro Jr. Kay United States Defense Secretary Lloyd Austin III kasunod ng Pinakahuling insidente ng panggigipit ng mga barko ng China Coast Guard sa mga barko ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Ayon sa US Embassy in Manila, dito ay muling pinagtibay ng Estados Unidos ang pagsuporta nito sa ating bansa sa pagtatanggol ng sovereign rights, at hurisdiksyon ng Pilipinas sa naturang pinag-aagawang teritoryo.
Kasabay nito ay muli rin binigyang-diin ng Amerika ang Mutual Defense Treaty sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos na sumasaklaw sa Hukbong Sandatahan, public vessels, aircraft, Coast Guard at iba pa ng dalawang bansa.
Bahagi anila ito ng pagpapaigting pa ng Amerika sa kanilang ironclad commitment sa Pilipinas matapos ang ginawang dangerous obstruction ng CCG at Chinese Maritime Militias sa resupply mission ng Pilipinas.
Matatandaan na una nang kinondena ng iba pang mga bansa ang naturang mga aksyon ng China sa WPS na nagresulta naman ng pagtatamo ng matinding pinsala sa resupply boat na Unaizah May 4, at malubhang sugat naman sa tatlong tauhan ng Pilipinas na lulan nito.