Muling nilinaw ng Malacanang na ang inanunsiyo ng Department of Education (DepEd) na pagpapaliban sa opening of classes sa Agosto 24 hanggang Oktubre 5 ay kasama ang nasa pribadong mga eskwelahan.
Pero nilinaw ni Presidential Spokesman Harry Roque, hinahayaan na nila ang mga private schools na nagsimula na ang mga online classes na magpatuloy.
Doon naman sa mga hindi pa nagbubukas ang mga klase, kabilang sila sa sakop sa naging deklarasyon kahapon ni DepEd Sec. Leonor Briones.
Paliwanag pa ni Sec. Roque, ang naging desisyon ng Pangulong Rodrigo Duterte sa postponement ng opening of classes ay batay na rin sa rekomendasyon din sa kanya ng DepEd.
Isinaalang-alang din daw ng Pangulo ang implikasyon sa ipinatupad na modified enhanced community quarantine (MECQ) sa mga lugar ng Metro Manila at mga probinsiya ng Cavite, Laguna, Rizal at Bulacan.
“Per DepEd, the deferment shall apply to both public and private schools,” ani Sec. Roque sa statement. “However, for private schools which have started to conduct online classes they shall proceed holding classes, subject to present health protocols following the decalred quarantine classification in their respective areas.”