Siniguro ni Vice President at kasalukuyang Education Secretary na si Sarah Duterte na kanilang pagtitibayin at palalakasin ang education system sa bansa upang maging handa sa anumang disruption o future shocks.
Sa isang talumpati ni VP Sara sa isang event na kanyang dinaluhan na may kaugnayan sa pagdiriwang ng International Day of Education, binigyang diin nito ang pagsisikap na ginagawa ng administrasyon upang mapabuti ang sistema ng edukasyon sa bansa.
Sinabi pa ni Duterte na nasa tamang landas ang Pilipinas upang makamit ang isa sa mga agenda ng United Nations (UN) 2030 na inclusive and equitable quality education.
Giit pa ng pangalawang pangulo na ang edukasyon ang magsisilbing “driving force” ng isang bansa upang lumago at umunlad.
Kumpiyansa si VP Sara na mapapatibay ang mga proyekto ng Department of Education ngayong taon dahil mayroon ang ahensyang pondo na nagkakahalagang P719 billion pesos.
Target din ng DepEd na palakasin ang kanilang teaching force upang matutukan ang lahat ng mga kabataang mag-aaral sa bansa.