-- Advertisements --

Muling hinimok ni Senador Win Gatchalian ang pamahalaan na tiyakin ang epektibong pagpapatupad ng Excellence in Teacher Education Act (Republic Act No.11713).

Ang pahayag ni Gatchalian ay kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Department of Education (DepEd) na iangat ang kalidad ng pagtuturo matapos lumabas ang resulta ng 2022 Programme for International Student Assessment (PISA).

Sa ilalim ng naturang batas na iniakda at isinulong ni Gatchalian noong 18th Congress, patatatagin ang Teacher Education Council (TEC) sa pamamagitan ng mas pinaigting na ugnayan ng DepEd, Commission on Higher Education (CHED), at Professional Regulation Commission (PRC).

Ito ay para tiyakin na may ugnayan sa lahat ng yugto ng edukasyon at pagsasanay ng mga guro, mula pre-service education sa kolehiyo hanggang sa in-service education sa panahong nagsimula na sila sa pagtuturo. Mandato rin sa TEC ang pagtatakda ng minimum requirements sa mga teacher education programs.

Bagama’t tiniyak ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte na tutuparin ng bagong Teacher Education Council at Secretariat nito ang kanilang mga mandato, binigyang diin ni Gatchalian na mahalagang ipatupad ang ibang mga probisyon ng batas tulad ng pagtatalaga at pagbuo ng mga Teacher Education Centers of Excellence sa lahat ng mga rehiyon.

Samantala, naglaan ang 2024 General Appropriations Act (Republic Act No. 11975) ng P777.5 bilyon para sa in-service training ng mga guro, administrador, at education support personnel.

Saklaw din ng naturang pondo ang training ng mga K-to-10 teachers para sa pagpapatupad ng MATATAG curriculum, na para kay Gatchalian ay dapat iugnay sa mga teacher education programs.