-- Advertisements --

Babawiin ni Iloilo City Mayor Jerry Treñas ang executive order nito na nag-deklara kay Bacolod City Vice Mayor El Cid Familiaran bilang persona non grata sa lungsod ng Iloilo.

Ito ay kasunod ng apology at request mula mismo kay Bacolod City Mayor Alfredo Abelardo “Albee” Benitez.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Treñas, sinabi nito na wala pa siyang natanggap na sorry mula kay Familiaran ngunit i-re-revoke na lamang niya ang naunang deklarasyon para na lamang kay Benitez na kasama umano niya sa Kongreso noon.

Bago nito, usap-usapan ang naging word war sa pagitan nina Treñas at Familiaran na noo’y acting mayor ng Bacolod dahil sa isyu sa repatriation ng mga Badjao.

Ikinagalit ng alkalde ng Iloilo City at tinawag na “stupid” ang umano’y pagpapadala ni Familiaran ng 80 Badjaos sa lungsod; ngunit sumagot naman ang vice mayor at sinabing sana ay nag-imbestiga muna si Treñas bago minadali ang pagpapalabas ng reaksyon sa isyu.

Aniya, “respect begets respect”, at hindi niya papahintulutan na maging siya ay ma-bully ng alkalde dahil hindi naman umano nito ipinag-utos na ipadala sa Iloilo ang naturang grupo ng nomadic at Indigenous Peoples.

Napag-alamang dahil sa nangyari, ibinalik ni Treñas sa Bacolod City ang mga Badjao.