-- Advertisements --

Bumwelta si Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa banat ng isang Kongresista matapos nitong kwestyunin ang Senado sa nakaambang pagkanlong kay dela Rosa sa oras na mag-isyu ng arrest warrant ang International Criminal Court. 

Sinabi kasi ni Kabataan Partylist Representative Raoul Manuel na tila gamit na gamit ang institutional courtesy. 

Giit nito, kung magtatago raw si dela rosa sa Senado kahit wala namang sesyon ay parang inamin na raw ng senador na guilty siya. 

Pasaring ni dela Rosa, magsenador muna raw si Cong. Manuel para mapakinggan ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang kanyang kahilingan.

Magugunitang sinabi ni Escudero na hindi niya pahihintulutan na pasukin ng mga otoridad ang Senado upang arestuhin si dela Rosa. 

Ito ay kung hihingi ng proteksyon at mananatili sa Senado si dela Rosa sakaling mag-isyu ang ICC ng arrest warrant laban sa kanya.

Base sa rules at practice aniya ay hindi pinahihintulutan ng Senado na maaresto ang sinumang miyembro nito sa loob ng institusyon may sesyon man o wala ang Kongreso. 

Dahil dito, nagpasalamat si Dela Rosa kay Escudero dahil sa pagprotekta sa kanya at sa institusyon kung saan pinaninindigan ang tama.

Gayunpaman, tiniyak ng senador na hindi magiging forever ang kanyang pananatili sa senado sakaling lumabas na ang arrest warrant laban sa kanya.