Hiniling ni Senador Ronald ”Bato” dela Rosa kay dating Iloilo City mayor Jed Mabilog na sabihin ang totoo at ihinto niya ang pagsunod sa “script.”
Ang pahayag ni dela Rosa ay matapos ikinuwento ni Mabilog sa Quad Committee ng Kamara na makikipagkita sana siya sa nakaupong PNP chief noon na si Dela Rosa kaugnay sa pangamba niya sa pagkakasama niya sa listahan ng narco politicians.
Nasa Japan siya noon nang makatanggap umano siya ng tawag sa isang heneral tungkol sa banta sa kaniyang buhay. Kasunod nito ay tinawagan niya si Dela Rosa.
Bukod aniya sa banta sa kaniyang buhay, may plano rin umano na gipitin siya para ituro si dating DILG secretary Mar Roxas at dating senador Franklin Drilon bilang mga drug lords.
Giit ni dela Rosa, dapat klaruhin ni Mabilog ang kanyang script kung ano ang kanyang gagampanan.
Hindi raw alam ni dela rosa kung sino ang kumukumbinsi sa kanya na magsinungaling.
Sinabi rin ni dela Rosa isinama lamang si Mabilog sa watchlist ni Duterte dahil ang Iloilo ay kilalang hub ng mga drug lords, at hindi dahil hindi siya kaalyado ng dating pangulo.
Matino din ang kaniyang pagkakilala kay Mabilog ngunit nailagay ang kaniyang pangalan sa Drug Watchlist dahil wala silang ginagawa sa Drug Lord na si Melvin Odicta sa Iloilo City.
Suspetsa ng senador na ang mga alegasyon ay nagmula sa mga gustong manatili sa kapangyarihan at siraan ang administrasyong Duterte para pahinain si Vice President Sara Duterte bago ang 2028 elections.
Bahagi rin ito aniya ng fishing expedition upang hanapan ng kasalanan si Duterte at kaniyang mga kaalyado.
Gayunpaman, sinabi ni dela Rosa na hindi siya takot sa mga Kongresista dahil kahit suntukan at rambulan ay hindi niya sila uurungan.
Kahit ito aniya ang dahilan ng kaniyang pagkatalo sa kaniyang 2025 Senatorial reelection bid.