HINILING ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa kay Trade Secretary Maria Cristina Roque na bumuo ng isang ‘small loan program’ para sa hanay ng micro, small, and medium enterprises (MSMEs) na ‘no interest rate’ o walang anumang ipapataw na interes sa pag-utang.
Binigyan-diin ni senador na mas mapabubuti ang kabuhayan ng mga Pilipino sa pagkakaroon ng naturang programa sa halip na bigyan ng financial assistance o “ayuda.”
Ibinahagi ng senador ang karanasan ng mga market vendor, na nanghihiram sa pera para pangkapital o puhunan sa mga nag-aalok ng tinatawag na “5-6”, na may interes o tubo.
Para kay Dela Rosa, ang ganitong klase ng programa ng gobyerno ay makababawas kundi man tuluyang mabura ang tinatawag na “culture of mendicancy” o kasanayan sa paghingi na lamang ng tulong ng mga tao.
una nang sinuportahan ni dela Rosa hindi lamang ang security and public order-related bills, bagkus maging ang mga panukalang nagsusulong para mapabuti ang katayuan ng mga Pilipino.
Kabilang sa mga ito ang panukalang batas para sa pagdaragdag ng P100 sa daily minimum wage at ang pagkakaloob ng direct financial assistance sa mga lokal na magsasaka.