Iginiit ni Senador Ronald “bato” dela Rosa na puro pulitika na lamang ang nasa isip ng ilang Kongresista matapos siyang akusahan na nilinlang ang mga arresting officers hinggil sa kinaroroonan ni Pastor Apollo Quiboloy.
Sinabi ng ilang mambabatas sa Kamara na sina dela Rosa at Vice President Sara Duterte at iba pa ay maaaring managot ng obstruction of justice matapos na malinaw na linlangin ang mga opisyal na aaresto kay Quiboloy tungkol sa kinaroroonan ng pastor, na nahaharap sa mga kaso sa bansa at sa Estados Unidos.
Magugunitang umapela si dela Rosa kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na utusan ang PNP na ihinto ang operasyon dahil sa epekto nito sa mga estudyante at mga residente na nananatili sa compound.
Giit ng senador, ang kinonsidera niya ay lagay ng mga residente sa compound at makabalik sa pag-aaral ang mga estudyante.
Samantala, hihingi naman ng kalinawan si dela Rosa kay Quiboloy kung siya ba ay inaresto o sumuko sa mga otoridad sa oras na makapagtakda na ng pagdinig ang Senado.
Dapat aniyang klaruhin ng law enforcement agencies kung si Quiboloy ba aniya ay sumuko o inaresto ng mga otoridad.
“Surrender” kasi aniya ang gamit ngunit hindi malinaw.
Upang sagutin ang mga nakabibin pang mga tanong, naghahanap na ng schedule ang Senate Committee on Women and Children para itakda ang pagdinig para paharapin si Quiboloy.
Ayon kay Senadora Risa Hontiveros, agad siyang susulat sa Korte na nagpalabas ng warrant of arrest laban kay Quiboloy sa oras na maitakda na ang araw ng imbestigasyon ng Senado.
Para sa senadora, mahalagang matanong nang personal ang puganteng pastor upang sagutin ang mga akusasyon laban sa kaniya ng mga dating miyembro ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC).