-- Advertisements --

Kasunod ng pag-atake sa North Cotabato District Jail, ipinag-utos ni PNP chief police Director General Ronald dela Rosa sa lahat ng PNP commanders sa Central Mindanao ang pagsasagawa ng security survey sa mga detention facilities sa kani-kanilang nasasakupan.

Ito ay para matiyak na hindi na mauulit ang nangyari sa North Cotabato District Jail na inatake ng malaking grupo ng mga armadong kalalakihan noong January 4 na nagresulta sa pagtakas ng 158 preso.

Kaugnay nito, inatasan din ni Dela Rosa ang mga PNP Regional directors sa area na tumulong ng husto sa BJMP upang mahuli ang lahat ng mga nakatakas na preso.

Mahigit 100 pang mga nakatakas na preso ang pinaghahanap ng mga otoridad.

Bilin ni Dela Rosa sa mga PNP personnel na kasama sa manhunt para sa mga nalalabing pugante ang rules on warrantless arrests ang ipatutupad sa situasyong ito.

Samantala isinagawa ang traditional New Year’s Call kay Dela Rosa at DILG Sec Mike Sueno sa Camp Crame kung saan dinaluhan ng mga matataas na opisyal ng PNP at DILG sa buong bansa.

Sa nasabing event naglabas na rin ng mga bagong direktiba at mga programa sina Dela Rosa at Sueno na kanilang pagtutuunan ng pansin ngayong 2017.

Pagkatapos ng New Years Call agad namang nagpulong sina Sec. Sueno at PNP chief Dela Rosa.