Sinabi ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa na ang pagtaas ng pondo para sa Mindanao Development Authority (MinDA) at ang patuloy na paglalaan ng budget para sa Southern Philippines Development Authority (SPDA) ay magpapalago sa ekonomiya sa Mindanao.
Ito ang inihayag ni dela Rosa, budget sponsor ng Mindanao Development Authority at Southern Philippines Development Authority para sa 2025.
Tinaasan ni dela Rosa ang pondo ng MinDA ng P67 million para ma-accommodate ang mas maraming programa na magsisiguro ng tuluy-tuloy na pag-unlad sa isla.
Saklaw ng P67 million hike ang MinDA Digitalization Innovations Program, suporta para sa sustainable operations ng Mindanao RiverBasin Program, at Strengthening of the Indigenous Peoples in Mindanao Program Year 2.
Binigyang-diin ng mambabatas ang pangangailangang ipagpatuloy ang pagsasaliksik sa Mindanao River Basin Program, na sumasaklaw sa walong river basin sa mga rehiyon sa isla,.
Upang matiyak ang maayos na pag-unlad sa katimugang bahagi ng Pilipinas partikular sa mga programang pang-imprastraktura, isiniwalat din ni Dela Rosa na nilagdaan ng MinDA ang isang memorandum of cooperation sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).