-- Advertisements --

Isinusulong ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa ang pag-amyenda sa Republic Act 11696 o ang Marawi Siege Compensation Act of 2022 para palawakin ang listahan ng mga barangay na may mga pamilyang dumanas din ng Marawi Siege.

Sinabi ni Dela Rosa na may mga puwang na dapat tugunan para mabayaran ang mga biktima sa mga barangay na hindi kasama sa listahan ng Main Affected Areas (MAA) o Other Affected Areas (OAA).

Noong Setyembre, inihain ni Dela Rosa ang Senate Bill 2828 na naglalayong amyendahan ang RA 11696 para maisama ang Barangay Bubonga sa listahan ng Other Affected Areas. 

Sa pagpapatupad ng RA 11696, binanggit ni Dela Rosa na maraming claimants at civil organizations ang umaapela para sa rekonsiderasyon ng aplikasyon ng patas na fair market value sa pagtukoy ng monetary compensation.

Sa pagdinig kahapon, sinabi ni Dela Rosa na kinukunsidera ng Senate special committee ang pagsasama ng mas maraming barangay bukod sa Bubonga sa listahan ng mga lugar na babayaran ng gobyerno matapos ang pinsalang dulot ng Marawi Siege. 

Ito’y matapos iapela na mayroong 64 na barangay ang dapat isama sa listahan ng Other Affected Areas. 

Dahil dito, hinimok ni Dela Rosa ang Office of Civil Defense (OCD) na magbigay ng post-conflict needs assessment para magkaroon ng basehan ang kompensasyon ng mga pamilya sa 64 na barangay.