Nagpaalala si Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa Armed Forces of the Philippines officials na magkaisa laban sa anumang pagsisikap sa destabilisasyon.
Ito ay sa gitna na rin ng girian sa pagitan ng dalawang lider ng bansa at ang nilulutong impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Nilinaw naman ni Lieutenant General Ferdinand Barandon, commander ng AFP Intelligence Command,na walang anumang destabilization effort laban sa gobyerno.
Samantala, nagpahayag naman ng suporta si Dela Rosa sa kumpirmasyon ng ad interim appointment at nominasyon ng labinlimang heneral at flag officers ng Armed Forces of the Philippines kung saan iginiit nito ang kahalagahan ng pagkakaisa ng militar laban sa mga destabilizer.
Aminado ang dating hepe ng Philippine National Police na hindi madali ang pag-usad ng mga opisyal, dahil laging nasa panganib ang buhay ng mga sundalo habang ginagampanan nila ang kanilang sinumpaang tungkulin na protektahan ang bayan at mamamayan.
“Ang buhay ng bawat sundalo ay may kalakip na panganib sa kanyang tinatahak na landas. Kabalikat niya ang panalangin na ang mga hamon ng paglilingkod ay matagumpay na magbunga ng kapayapaan, at sanggalang sa kapahamakan. Nasa puso niya ang mataimtim na pananalig sa patnubay at pag-aaruga ng Poong Maykapal sa lahat ng pagsubok at dusa,” dagdag ng senador
Ang 15 heneral at flag officers na kinumpirma ng CA ay sina:
Bob Apostol – Brigadier General; Hubert Acierto – Brigadier General; Rosendo Abad Jr. – Brigadier General; Raul Tangco – Brigadier General (Reserve); Ronald Jess Alcudia – Brigadier General; Joseph Archog – Brigadier General; Adonis Ariel Orio – Major General; Juario Marayag – Rear Admiral; Jose Ma. Ambrosio Ezpeleta – Vice Admiral; Florante Gagua – Rear Admiral; Michael Logico – Brigadier General; Jose Ambrosio Rustia – Brigadier General; Ferdinand Barandon – Brigadier General; Joseph Norwin Pasamonte – Major General; and Alan Javier – Rear Admiral.