Nangako si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na isusulong muli ang batas na mag-aalis ng impluwensya ng pulitika sa Philippine National Police (PNP).
Sinabi ni Dela Rosa, dating hepe ng PNP na muli niyang itutuloy ang pag-amyenda sa Local Government Code na nagpapahintulot sa mga local chief executive na pumili ng chief of police sa kanilang mga lungsod o munisipalidad.
Paliwanag ng senador, ito lamang ang paraan na ma-professionalize ang hanay ng pulisya.
Ang pinakamalaking problema aniya sa mga kapulisan ay ang pangingialam ng mga politiko sa hanay ng pambansang pulisya.
Una nang isinulong ni Dela Rosa ang panukalang batas na nagpapakilala ng mga reporma sa organisasyon sa PNP.
Gayunpaman, ang probisyon na naglalayong tanggalin ang kapangyarihan ng mga local chief executives na pumili ng kanilang chief of police ay hindi tinanggap sa pinal na bersyon ng panukalang batas.
Pumayag naman ang senador na tanggalin ang nasabing probisyon para maisalba ang iba pang mga reporma na kasama sa panukalang batas tulad ng pagtatakda ng edad ng pagreretiro na 57 years old ngunit ang panukala ay tuluyang na-veto ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.