-- Advertisements --

Pinabibilisan ni Philippine National Police (PNP) Chief Ronald Dela Rosa sa PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang imbestigasyon sa kaso ng pinatay na 17-anyos na binatilyo na si Kian Delos Santos.

Ayon kay Dela Rosa, nais niyang mapabilis ang imbestigasyon sa kaso nang sa gayon kaagad maaayos ang problema.

Sinabi nito na hinawakan ng CIDG ang criminal aspect habang administrative case laban sa mga sangkot na pulis ay hinahawakan ngayon ng Internal Affairs Service (IAS).

Giit ni Dela Rosa na nais sana niyang ma-inquest kaagad ang tatlong pulis pero apat na araw na ang nakakalipas nang nangyari ang angti-drug operation kung saan nasawi si Delos Santos.

Dahil dito ang gagawin na lamang daw ng CIDG ay regular filing ng kaso.

Nasa proseso na ngayon ang CIDG sa pagkuha ng mga ebidensiya laban sa tatlong pulis.

Hinahanap na rin ng CIDG ang nasabing CCTV recording habang ang baril ng mga suspect ay na-tinurn over na sa CIDG para ipadala sa Crime Lab at isailalim sa ballistic examination.

Pagtiyak ni PNP chief kapag mapatunayang may nilabag ang tatlong pulis mananagot ang mga ito.