-- Advertisements --

Kinumpirma ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa ang plano niyang humiling ng tulong mula sa Korte Suprema sakaling isyuhan siya ng arrest warrant ng International Criminal Court (ICC).

Subalit kung sabihin aniya ng korte na kailangan niyang sumailalim sa kustodiya ng ICC, wala aniya itong magagawa dito.

Kapag sinabi naman aniya ng Korte Suprema na walang hurisdiksiyon ang ICC sa ating bansa, lahat aniya ng orders ay walang bisa at hindi dapat igalang gayundin dapat na sundin ito ng kapulisan at ng gobyerno ng Pilipinas.

Ipinunto naman ng Senador at dating Philippine National Police (PNP) chief na walang police force ang International Criminal Police Organization (Interpol) at kailangan nitong makipag-tulungan sa Philippine National Police para ipatupad ang anumang arrest warrant mula sa ICC.

Una na ngang nanindigan ang kasalukuyang Marcos administration na committed ang PH sa mga obligasyon nito sa Interpol na maaaring i-tap ng ICC para ipairal ang anumang ii-isyu nitong arrest warrant.