-- Advertisements --

Hinarap ni Bureau of Corrections (BuCor) Director Ronald Dela Rosa ang mga umano’y high-profile drug lords sa building 14 na tinatawag na maximum security compound sa New Bilibid Prison (NBP).

Kasabay ito ng kanyang personal na accounting sa mahigit 47 na umano’y mga drug lords na nakakulong sa national penitentiary.

Sinabihan ni Dela Rosa ang mga drug lords na siya raw ang siga sa Bilibid at hindi ang mga ito.

Giit nito, hindi siya dapat ang mamroblema sa mga ito kundi mga drug lords ang mamumublema sa kaniya.

Binalaan din ni Dela Rosa ang mga ito na itigil ang kanilang iligal na aktibad dahil isa aniya sa kanyang mga misyon ay ang tuldukan ang illegal drug trade sa piitan.

Sinabihan din nito ang mga BuCor personnel na ayaw niya ng mga taong duwag at kung hindi nila kaya ang trabaho, mas mabuting umalis na raw ang mga ito.

Una rito, sinabi ni Dela Rosa na dapat ihiwalay ang mga drug lord sa mga inmates nang sa gayon, maiwasan na magkaroon ito ng mga “bata-bata.”

Sisiguraduhin din daw ng dating hepe ng PNP na mananagot ang sinumang hindi titigil sa kanilang iligal na aktibidad.