Umaasa si Senador Ronald “Bato” dela Rosa na magiging patas ang Korte Suprema sa pagdedesisyon sa mga inihaing petisyon na humahamon sa legalidad sa pag-aresto ng International Criminal Court (ICC) kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay dela Rosa, dapat ang desisyon ng Korte ay batay sa merits ng kaso at hindi sila aniya dapat magpadala sa politika.
Buo rin aniya dapat ang pasya ng Korte at hindi magpapa-pressure mula sa ibang sangay ng gobyerno lalo sa malakanyang na tinawag ng senador na ‘oppressive’.
Magugunitang naghain si dela Rosa at Duterte, sa pamamagitan ng kanilang legal counsel na si Atty. Israelito Torreon, ng petition for certiorari laban kay Executive Secretary Lucas Bersamin, Justice Sec. Boying Remulla, at iba pa hinggil sa mga aksyong ginawa laban sa kanila ng administrasyong Marcos.
Isa sa petisyon ay ang pagkakaloob ng Termporary Restraining Order para sa pag-aresto kay Duterte, na kalaunan ay ibinasura ng Korte Suprema.
Una nang sinabi ni dela Rosa na sa oras na may lumabas na warrant of arrest sa kanya ay handa siyang sumuko para makasama si Duterte sa The Hague sa Netherlands.
Pupwede naman anya siyang magtago at gamitin ang koneksyon kung tutuusin pero hindi niya ito gagawin.
Binatikos din ng senador ang administrasyong Marcos sa pagpapahintulot na makapasok ang International Criminal Court sa bansa kung saan tinawag ito ng senador na betrayal to the max.
Tila sinabi ng senador na mas interesado pa ang gobyerno ng bansa na mahuli ang dating pangulo kaysa sa International Criminal Court.