Tiniyak ng Philippine Sports Commission (PSC) na malapit nang matanggap ng mga atleta at mga coach ang kanilang monthly allowance matapos ang ilang delay.
Pahayag ito ng PSC kasunod ng naging panawagan ni Sen. Christopher “Bong” Go na ibigay na dapat ang allowances ng mga athletes at coaches.
Ayon kay PSC Commissioner Ramon Fernandez, natugunan na raw nila ang isyu sa delay ng mga allowance, na posible na raw maging available bukas, araw ng Lunes.
Paglalahad pa ni Fernandez, ang pagkaantala sa paglalabas ng pera ay bunsod ng coronavirus pandemic, ngunit sa tulong ng Landbank ay kanila na raw naresolba ang problema.
Sinabi pa ng opisyal na may empleyado ng Landbank ang nagpositibo sa COVID-19, kaya lalong na-delay ang processing ng mga allowance.
“Third week of July, inaayos na ‘yan. Had to redo payroll computations and coordination with Landbank on payroll system but all of a sudden, nag-lockdown sila for two weeks at may nag-positive na employee nila,” ayon kay Fernandez.
“But hopefully, release na siya by Monday,” dagdag nito.
Kamakailan nang maglabas ng statement si Go na nakatanggap daw ito ng mga reports na na-delay daw ang allowance ng mga atleta at coaches para sa buwan ng Hunyo at Hulyo.
Tinawag din ni Go, na malapit sa Pangulong Rodrigo Duterte, ang pansin ng PSC na tugunan ang sitwasyon, habang nag-alok din ito ng tulong sa ahensya bilang siya rin ang nakaupong chairman ng Senate Committee on Sports.