-- Advertisements --

Kinumpirma ni Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian na posibleng dumating na kaagad sa susunod na buwan ang mga COVID-19 vaccines na dinevelop ng pharmaceutical company na Sinovac.

Sa isang social media post, sinabi rin ni Huang na nasa “new era of partnership” na ang Pilipinas at China sa gitna ng pandemya.

“We are now expecting China Sinovac vaccine [to] arrive in the Philippines as early as next month. The joint anti-pandemic response over the past year has enriched and strengthened our new-era partnership and vividly illustrated the sibling ties between our two peoples,” saad ni Huang.

Sa ngayon, nakabinbin pa sa Food and Drugs Administration (FDA) ang aplikasyon ng Sinovac para sa emergency use authorization.

Una nang sinabi ni vaccine czar Sec. Carlito Galvez Jr. na kinakailangan munang matapos ng Sinovac ang kanilang clinical trials sa Turkey at Brazil, para maisumite na ang makukuhang datos FDA para sa EUA application nito.

Dagdag ni Galvez, posible namang mauna sa Sinovac ang bakunang gawa ng Pfizer-BioNTech, na binigyan na ng EUA nitong Huwebes.

Kung maaalala, inihayag ng pamahalaan na nakakuha na sila ng 25-milyong doses ng bakuna ng Sinovac, sa kabila ng mga batikos dahil sa umano’y pagkiling sa mas mahal ngunit hindi raw gaanong epektibo na bakuna.

Pero giit ng mga opisyal ng gobyerno, inalok daw sa Pilipinas sa mas mababang presyo ang mga bakuna ng nabanggit na kompanya.