Makukumpleto na sa buwan ng Nobyembre ang delivery sa lahat ng mga Automated Counting Machines (ACMs) na magagamit sa May 2025 national, local, at Bangsamoro parliamentary elections.
Sinabi ni Commission on Elections Chair George Erwin Garcia na pagsapit ng Oktobre ay matatapos na ng Miru Systems ang paggawa sa kabuuang 110,000 units na kakailanganin sa nalalapit na halalan.
Agad din aniyang idedeliver ang lahat ng mga ACM dito sa Pilipinas pagsapit ng buwan ng Nobiembre.
Ito ay mas maaga ng isang buwan kumpara sa dating itinakda na Disyembre, batay na rin sa kontratang pinirmahan ng Comelec at ng Miru.
Una nang nakapagdeliver ang Miru Systems ng kabuuang 27,500 ACM dito sa Pilipinas. Ang mga naturang makina ay kasalukuyang nasa bodega ng komisyon.
Ngayong Setyembre ay inaasahan ng komisyon na makakapagdeliver muli ang Miru ng karagdagang 30,000 ACM habang sa Oktobre ay panibagong 30,000 ang maidadala sa Pilipinas, hanggang sa makumpleto na ang lahat ng ACM.
Samantala, kasabay ng isinasagawang inspection sa mga naunang dumating na ACM sa Pilipinas, tatlo na ang natukoy na pumalya o nagkaroon ng component na nag-malfunction.
Ito ay batay na rin sa isinagawang Hardware Acceptance Test (HAT) ng mga Miru at Comelec personnel.
Ayon kay Garcia, kapag naayos na ang mga ito at muling papalya ay kailangan nang ibalik. Ito aniya ay bahagi ng kasunduan.
Pagtitiyak ni Garcia, kahit isang component o isang bahagi lamang ng ACM ang pumalya at hindi maayos ay papalitan na ito ng kumpanya.