Nagtipon ngayong araw ang mga lider mula sa state at territory ng Australia kasama si Prime Minister Scott Morrison para sa isang emergency meeting.
Kasunod ito nang pagsibol ng COVID outbreak sa Sydney, ang largest city sa Australia kung saan pumalo sa 128 ang naitalang kaso na iniuugnay sa mas nakakahawang Delta variant na unang na-detect sa bansang India.
Bunsod nito kasalukuyang naka-lockdown ang Sydney na magtatagal hanggang July 9.
Ilang kaso rin ng mga infections ang naitala sa Northern Territory, Queensland at Western Australia.
Sa remote area ng Northern Territory, nakapagtala ng pitong kaso dahilan para palawigin pa ang ipinapatupad na lockdown hanggang sa Biyernes sa Capital ng Northern Territory na Darwin.
Ayon sa mga opisyal, nagmula ang Delta outbreak na naitala sa Northern Territory sa isang mining camp.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakapagtala ng mga kaso sa maraming parte ng bansa.
Inilarawan ni Treasurer Josh Frydenberg na humaharap ngayon sa “critical time” ang Australia sa paglaban nito kontra COVID-19 kasabay ng pagsasara ng ilang states sa kanilang borders at pagpapatupad ng panibagong restriksiyon para mapigilan ang pagkalat ng deadly virus.
Naka-alerto naman ngayon ang health authorities matapos na isang miyembro ng cabin crew staff ng Virgin Australia na nakasama sa limang domestic flight ang nagpositibo sa Delta variant.