VIGAN CITY – Naitala ang kauna-unahang Delta variant case sa probinsya ng Abra batay sa report ni Abra Governor Joy Bernos.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Bernos, ang pasyente ay isang 65-anyos na lalaki na taga-Danglas, Abra na unang na-admit sa Bangued Christian Hospital dahil sa spinal cord injury.
Nagnegatibo sa RT-PCR test ang pasyente noong nai-admit sa Batac, Ilocos Norte at noong July 21 nang ma-discharge, umuwi na sa Abra ang pasyente kaya’t agad itong sumailalim sa 14-day quarantine.
Sa ikalimang araw ay nagpositibo ang kanyang resulta sa RT-PCT test kaya ipinadala ang specimen ng pasyente para sa genome study at dito napag-alamang positibo sa Delta variant sa pamamagitan ng kumpirmasyon ng Department of Health.
Ipinaalam naman n Gov. Joy Bernos na bed-ridden ang pasyente kaya hindi na umano ito nakalabas ngunit aniya ay ang mga nagbabantay sa kanya ang nakalabas dahilan upang mag-lockdown ang nasabing bayan.
Gayunman, mahigpit na naipapatupad ang contact tracing upang malaman kung sino ang mga nakahalubilo ng pasyente.