Asahan na magiging dominant strain ng virus sa susunod na mga buwan ang Delta variant ng COVID-19.
Ito mismo ang naging pagtaya ng World Health Organization (WHO) matapos na maitala ang nasabing Delta variant sa 124 territories.
Dagdag pa ng WHO, maaaring mahigitan nito ang ibang variant na siyang kakalat sa maraming bansa.
Sa listahan kasi ng WHO ang Delta na variant na unang nakita sa India ay may mabilis na paghawa habang ang Alpha variant na unang natukoy sa Britain ay naiulat na nakarating sa 180 teritoryo, ang Beta naman na unang nadiskubre sa South Africa ay nakarating na rin sa 130 teritoryo at ang Gamma na unang nakita sa Brazil ay kumalat na rin sa 78 teritoryo.
Nitong buwan pa lamang ng Hulyo ay lumaganap na to sa mga bansa gaya ng Australia, Bangladesh, Botswana, Britain, China, Denmark, India, Indonesia, Israel, Portugal, Russia, Singapore at South Africa.
Tumaas ng 30 percent ang kaso nito sa Western Pacific region habang 21 percent ang pagtaas nito sa European region.