-- Advertisements --

Pumayag na umano si DeMarcus Cousins na lumagda ng one-year contract sa Los Angeles Lakers.

Batay sa ulat, papatak umano ng $3.5-milyon ang deal sa Lakers ni Cousins.

Sinasabing interesado umano ang Miami Heat sa four-time All-Star, ngunit tumulong daw sina Anthony Davis at iba pang players na hikayatin si Cousins na lumipat sa Los Angeles.

Naglista ng average na 16.3 points at 8.2 rebounds si Cousins sa paglalaro nito sa 30 regular season games para sa Golden State Warriors nitong nakaraang season matapos magpagaling mula sa dinanas na Achilees injury.

Napunit naman ang kaliwang quadriceps ni Cousins noong unang round ng playoffs, ngunit nagbalik ito noong NBA Finals.

Samantala, tatalon na rin sa Lakers ang ka-teammate nitong si Quinn Cook makaraang magkaroon na rin ng kasunduan sa team.

Tinanggap na raw ni Cook ang dalawang taong kontrata sa Lakers na may halagang $6-milyon.

Iginugol ni Cook ang huli nitong dalawang season sa Golden State kung saan may average ito na 6.9 points noong nakalipas na season at nagrehistro ng 40.5% mula sa 3-point line.