Hindi na raw nakatiis ang mga Democrats sa binitawang mga salita ni President Donald Trump laban kay House Speaker Nancy Pelosi na naging dahilan ng mga ito para mag-walk out mula sa isinagawang private meeting kasama ang pangulo.
Kinondena kasi ng House of Representatives ang pagtalikod ng U.S. military mula sa nangyayaring sigalot sa pagitan ng Turkey at Syria na nagpapakita lang umano na walang plano ang Trump administration na makialam sa nasabing sagupaan.
Tinawag umano ni Trump si Pelosi na isang “third-rate policitian” o isang mababang uri ng pulitiko.
Ayon kay Pelosi, isang “meltdown” daw ang natunghayan nila mula sa American president dahil sa pagka-dismaya nila sa kung papaano pinamunuan ang naturang sitwasyon.
Hindi naman nagpaawat si Trump at naglabas din ito ng larawan ni Pelosi sa kaniyang social media account kung saan makikita ang House speaker na nakatayo at tila dinuduro ang pangulo.
Nag-walk out ang Democrats mula sa naturang pagpupulong matapos bigong marinig mula kay Trump na maglalatag ito ng detalyadong plano kung papaano sosolusyunan ang problema sa Syria.