Nakakabahala umano ang nilalaman ng inaabangang report ni Special Counsel Robert Mueller kaugnay sa “two-year campaign of obstruction” ni US President Donald Trump.
Sinabi ng ilang senior Democrats na “disturbing” ang nakalap na ebidensya ni Mueller kaya tinitiyak nilang managot si Trump.
Ayon kay Representative Jerrold Nadler, chairman ng House Judiciary Committee, bagama’t hindi pa kompleto, may indikasyon na sa Mueller report na sangkot si Trump sa obstruction of justice at iba pang “misconduct.
Inihayag ni Nadler na bahala na ang Kongreso para panagutin ang kanilang presidente sa mga maling aksyon.
“Even in its incomplete form, the Mueller report outlines disturbing evidence that President Trump engaged in obstruction of justice and other misconduct. The responsibility now falls to Congress to hold the president accountable for his actions,” ani Nadler.
Magugunitang inilabas ni Attorney General Bill Barr ang 400-page report matapos lamang nitong ianunsyong walang ebidensyang magpapatunayang nakipagsabwatan si Trump sa Russian intelligence para dayain ang 2016 presidential election.
Wala namang konklusyon ang Mueller report na tinangka ni Trump na pigilan o impluwensyahan ang nagpapatuloy na imbestigasyon.
Dahil sa naging komento ni Barr, inakusahan siya ni Nadler ng kabiguang makipagtulungan sa Kongreso at sinisira nito ang sariling departamento para lamang proteksyunan si Trump.
“Attorney General Barr appears to have shown an unsettling willingness to undermine his own department in order to protect President Trump,” dagdag ni Nadler.
Sa panig naman ni Tom Perez, chairman ng Democratic National Committee, isinasalarawan ng Mueller report ang aniya’y “bottomless corruption.”
Sang-ayon naman kay Dianne Feinstein, top Democrat ng judiciary committee sa US Senate, inilalatag ng Mueller report kung paano nakialam ang Russia sa 2016 elections, gayundin sa mga kaugnay na aktibidad na ginawa ng mga campaign officials ni Trump.