KALIBO, Aklan – Hindi na binigyan ng pagkakataon ang 10 establishment owners na makasulong ang kanilang kaso matapos na sinimulang tibagin ang kanilang mga istruktura sa front beach sa Sitio Bulabog, Brgy. Balabag sa isla ng Boracay.
Ito ay kasunod ng pagtatapos ng 20 araw na temporary restraining order (TRO) na ipinalabas ni Aklan RTC Branch 7 acting presiding judge Ronald Exmundo na may petsang October 15, 2019.
Dakong alas-8:00 nitong Huwebes ng umaga nang mabulabog ang mga residente at ilang guests ng mga apektadong hotels nang magpalabas ang mga armadong kalalakihan ng kautusan na kailangan nilang iligpit ang kanilang mga gamit at lisanin ang lugar sa loob lamang ng 20 minuto.
Nabatid na ipinalabas ang TRO upang huwag munang ituloy ang demolisyon sa 10 establisimento habang naka-apela ang kaso ng mga property owners at sa nakatakdang pagdinig dito sa Lunes, Nobyembre 11.
Nauna dito, naghain ng motion to intervene ang Department of Environment and Natural Resources (DENR), bilang pinuno ng Boracay Inter-Agency Task Force upang maisama sila sa kaso na isinampa ng mga establishment owners na tumututol sa demolisyon.