KALIBO, Aklan – Ipauubaya na lamang sa korte ang desisyon sa pagtibag sa mga istrakturang nakatayo sa forestland sa isla ng Boracay.
Ayon kay Natividad Bernardino, general manager ng Boracay Inter-Agency Rehabilitation Management Group (BIARMG), ang korte ang magbibigay ng pinal na desisyon sa isyu dahil karamihan sa mga istraktura ay milyones ang halaga.
Nauna dito, sinabi ni NBI-Environmental Crime Division (ECD) executive officer Marvin Matamis, makikita sa Mount Luho sa kalagitnaan ng Barangay Balabag at Barangay Yapak ang nasa 12 malalaking istraktura na ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) aniya ay nagkakahalaga ang bawat isa ng P50 million hanggang P100 million.
Karamihan umano sa mga may-ari nito ay nasa labas ng bansa.
Dagdag pa ni Bernardino na kakasuhan at aarestuhin ang mga nakatira sa forestland kapag nagmatigas at hindi susunod sa ipinadalang notice to vacate.
Noong nakaraang linggo, inaresto ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang German national at tatlong Pilipino sa kasong paglabag sa Forestry Code of the Philippines dahil sa mga istrakturang nakatayo sa gubat ng isla.