-- Advertisements --

BAGUIO CITY—Posible na maipapatupad ang demolisyon sa mga iligal na kabahayan na naipatayo sa Puguis Communal Forest, La Trinidad, Benguet pagkatapos ng eleksyon.

Kasunod nito ang nailabas na demolition order ng lokal na gobyerno ng La Trinidad noong Martes kontra sa mga iligal na istruktura sa nasabing lugar.

Ayon kay Atty. Bartolome Baldas, Municipal Legal Officer ng La Trinidad, naiyendorso sa Engineering and Building Officer ng nasabing bayan ang demolition order para magtakda ng araw para sa tunay na demolisyon sa mga istruktura.

Sinabi pa niya na ang demolition order ay para sa pamilya nila Pedro Isican, Gretchen Tiotioen Fagyan, Manuel Matia at isang istruktura na ipinatayo ng nakilala sa pangalan na Nenita Mendoza at iba pa.

Ayon sa report ng legal office, aabot sa 18 na istruktura ang posibleng mabuwag sa loob ng Puguis Communal Forest.

Ipinaliwanag ng Legal Officer na mayroong mga basehan ang nasabing bayan kung bakit kailangan ang demolisyon sa mga istruktura gaya ng kawalan ng building permit sa mga ito sa loob ng communal forest na maibibilang na protected area.

Una nang dalawang beses na nakumpiska ng mga miyembro ng MENRO ang mga construction materials sa nasabing bundok.