Naniniwala ang kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na ang pagkakadawit ng pangalan ng dating pangulo sa extra judicial killings lalo na sa pagpatay sa tatlong Chinese drug lords na napatay sa loob ng Davao colony noong 2016 ay isang demolition job.
Ayon kay dating Presidential Legal Counsel Salvador Panelo “in full swing” na ang demolition job laban sa dating pangulo.
Ito ay kasunod sa ibinunyag ng dalawang convicts na sina Fernando Magdadaro at Fernando Tan na may kinalaman ang dating Pangulo sa pagpapatay sa tatlong Chinese.
Sinabi ni Panelo, ginagamit ngayon ng mga kalaban ng dating Presidente ang mga convicted inmates na nahaharap sa kasong murder at drug trafficking na iugnay si dating Pang. Duterte sa pagpatay sa tatlong Chinese detainees.
Inamin nina Magdadaro at Tan sa Quad Committee na sila ang pumatay sa tatlong Chinese batay sa utos at kapalit ng milyong halaga at ng kanilang kalayaan.
Giit pa ni Panelo, walang mawawala sa mga testigong convicts dahil sila ay hinatulan ng habambuhay na pagkaka bilanggo.
Pero napaka obvious umano na may kapalit ang nasabing mga testimonya.
Ayon kay Panelo kung totoo na pinatay nila ang tatlong Chinese dahil sa pera at kalayaan, maari din ang mga ito na magsinungaling hinggil sa ugnayan ng dating Pangulo kapalit din ng pera at kalayaan para sirain ang mga Dutertes.