CAGAYAN DE ORO CITY – Ipapatupad na ng local court ang writ of demolition order laban sa daan-daang kabahayan na nasa loob ng dalawang magkaibang lote na pasok sa bisinidad ng headquarters ng 4th ID,Philippine Army,Camp Edilberto Evangelista,Barangay Patag,Cagayan de Oro City.
Kaugnay ito sa Supreme Court ruling ng deka-dekadang kaso na inihain ng residential claimants na pumanig kalaunan sa Philippine Army na bahagi ng military reservation ang disputed land na tinirahan ng mga dati ng mga sundalo at sibilyang mga pamilya nila sa loob ng kampo.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni 4ID spokesperson Lt Col Francisco Garello Jr na hangga’t walang panibagong kautusan na ipagpaliban ang demolasyon ay tuloy-tuloy na itong ipapatupad ng korte sa susunod na linggo.
Sinabi ni Garello na tumagal rin ng 11 taon matapos ang 2013 SC ruling bago mapatupad ang demolasyon dahil pinagbigyan ng gobyerno ang kabilang claimants na gamitin ang natitira na legal remedies para hindi akusahan na pinagkaitan ng kanilang basic human rights.
Magugunitang naghain ng urgent motion to quash ang mga reklamante sa Regional Trial Court Branch 17 dahil kabilang sa sinabi ng korte suprema na ibinalik na public domain ang lupain.
Napag-alaman na simula pa taong 1939 deklarado na ni late Philippine President Manuel Quezon na military reserved ang lugar subalit napasok at napa-tituluhan ng claimants dekada 60 kaya nagkakasuhan ang dalawang panig hanggang inilabas ang 2013 SC ruling pabor sa 4ID,Philippine Army.