Itinaas na ng Department of Health (DOH) sa national level ang alert sa sakit na dengue dahil sa sunod-sunod na mga kasong naitala sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Sa press conference ng DOH, sinabi ni Sec. Francisco Duque III na nasa higit 100,000 na ang kaso ng dengue sa bansa ngayon.
Ito raw ay 85-percent na mataas kumpara sa mga kasong naitala noong nakaraang taon sa parehong buwan.
Kabilang daw sa mga rehiyon na may pinaka-maraming mga kaso ng dengue ang Mimaropa, Northern Mindanao, Western at Central Visayas.
Mabilis din umano ang pagtaas ng mga kaso ng sakit sa Ilocos region, Cagayan valley, Calabarzon, Bicol at Cordillera.
“Usually they are brought to the hospitals rather late. Complication third stage has already been reached. Ito ‘yung hemorrhage, internal bleeding, the heart is affected, the other organs are similarly affected. Early detection is so crucial,” ani Duque.
Ayon kay Duque, ito ang kauna-unahang pagkakataon na idineklara ang national dengue alert sa Pilipinas.
Nabatid ng kagawaran may trend sa pagtaas ng mga kaso ng dengue kada tatlo hanggang apat na taon kaya inaasahan daw na mas marami pa ang maitatalang kaso ng sakit ngayon kumapara noong 2016.
Sa kabila nito nilinaw ni Duque na hindi maituturing national epidemia ang dengue.