CENTRAL MINDANAO – Mas pinapalakas pa ngayon ng lokal na pamahalaan ng Kabacan ang Aksyon Barangay Kontra Dengue (ABKD) program.
Ito matapos na pumalo sa 68 ng dengue ang naitala para sa ikalawang quarter ng 2019 o mayroong 78.95% na pagtaas.
Batay sa datos ng Rural Health Unit, nasa 38 kaso lamang ang naitalang dengue cases sa kaparehong kwarter ng nakalipas na taon.
Dagdag pa ng tanggapan, nangunguna ang Brgy. Poblacion na mayroong 18 kaso, sinundan ng Brgy. Aringay na mayroong 17.
Tig-aapat naman ang naitalang kaso sa Brgy. ng Dagupan at Lower Paatan, habang tig-tatatlong kaso ang naitala sa mga Brgy. Katidtuan, Kayaga, Malanduague, at Upper Paatan. Tigdadalawang kaso naman ang sa mga Brgy. ng Bannawag, Kilagasan, Magatos, at Simbuhay, at tig-iisang kaso sa mga brgy. ng Buluan, Cuyapon, Osias, Pedtad, at Pisan.
Samantala, inaasahan naman na darating ngayong buwan ang dalawang fogging machine na binili ng lokal na pamahalaan upang magamit sa pagsugpo ng mga lamok na may dalang dengue.
Kaugnay nito, hinimok ni ABC president at kasalukuyang punong brgy. ng Poblacion Evangeline Pascua-Guzman ang bawat BLGUs na palakasin ang kanilang mga isinasagawang ABKD sa kani-kanilang nasasakupan.
Pinaalalahanan din nito ang publiko na panatilihing malinis ang kanilang kapaligiran upang maiwasang bahayan ng lamok na nagdadala ng sakit na dengue.