-- Advertisements --
francisco duque iii fr radyo pilipinas

Hiniling ngayon ng Department of Health (DoH) ang kooperasyon at tulong ng mga local government units (LGUs) para masolusyunan ang patuloy na paglobo ng kaso ng dengue sa buong bansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines kay DoH Sec. Francisco Duque III, sinabi nitong nakababahala na ang pagtaas pa ng kaso ng dengue sa 80 percent kumpara sa parehong period noong nakaraang taon.

Sa ngayon, aabot na raw sa 92,000 ang kaso ng dengue sa buong kapuluan at 491 ang mga namatay.

Dahil dito, sinabi ni Duque na kailangan nang paganahin ng mga LGUs ang kanilang anti dengue task force para mapigilan ang paglobo ng bilang ng mga nadadapuan ng dengue na hanggang sa ngayon ay wala pang nadidiskubreng gamot para sa mga tinamaan nito.

Una rito, idineklara sa Iloilo ang dengue outbreak dahil sa pagtaas ng kaso ng dengue doon ng 777 percent kumpara sa parehong period noong nakaraang taon.

Sinabi ni Duque na katumbas ito ng 4306 cases ngayong taon kumpara sa 491 lamang na kaso noong nakaraang taon.

Nasa 18 katao na ang namatay sa Iloilo dahil sa naturang sakit.