LEGAZPI CITY – Patuloy umanong nadaragdagan ang kaso ng dengue sa Albay ayon sa Provincial Health Office (PHO).
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Albay PHO head Dr. Antonio Ludovice, umakyat na sa 3, 802 ang dengue cases sa Albay habang nasa 17 naman ang namatay batay sa latest data na hawak ng tanggapan.
Nangunguna rito ang Daraga sa 580 cases; Tiwi sa 445 na kaso; Guinobatan sa 427 cases, Pioduran sa 373 na kaso at nasa 350 cases rin sa Legazpi.
Kaugnay nito, muling nagpaalala si Ludovice na makipagtulungan ang komunidad sa inorganisang barangay dengue brigade sa paglilinis at pagkontrol sa kaso.
Pagbabahagi pa nitong ilan sa mga staff sa ospital ang tinamaan na rin ng dengue kabilang na ang isang doktor at dalawang nurses.
May ilan rin umanong nagsabing dalawang beses nang nagka-dengue.
Paliwanag ng opisyal na may apat na sub-types ang dengue at magiging immune lamang sa virus kung nakagat ng isang type subalit hindi rin aniya nalalayo ang posibilidad na apat na beses na magka-dengue sa tanang buhay ang isang tao.